Tuesday, July 01, 2008

Tatlong Tula Ni Amado V. Hernandez



Ang Uod

Sa lagas na dahong nasabit sa tinik
sumilang ang isang uod na maliit,
ang pinakaduya’y supot na manipis,
na uugoy-ugoy sa hanging malamig
sa bahay na yaong ulila’t mapait,
ang uod na munti’y natutuong magtiis.

Sa buntung-hininga ng katag-arawan,
ang dahong may sapot ay biglang nabuksan;
ang kawawang uod, ng aking matanaw,
ay wala ni mata, ni bibig, ni kamay
ang mahina’t malambot na kanyang katawan
at pausad-usad lamang kung gumalaw.

Mula sa ibaba ng punong mataas,
siya’y gumagapang, marahan, paakyat;
kung minsa’y halos ay malaglag;
nuni’t ang umaga, noong namumukadkad;
siya’y nasa ubod ng isang bulaklak.

Ang tao’y tila uod ding maliit,
sumilang sa isang ulilang daigdig;
kahit walang pakpak, kahit walang bagwis,
kanyang mararating kahit himpapawid
kung siya’y marunong gumawa’t magtiis…
walang karagatang hindi matatawid!


Inang Wika

Ako’y ikakasal..
ang aming tahana’y
masayang katulad ng parol king pisata, magara’t makulay;
kangina pa’y walang patlang ang tugtugan,
agos ang regalo’t buhos ang inuman;
ang aking magiging kabiyak ng buhay
isang kanluraning mutyang paraluman:
marilag, marangya, balita, mayaman,
sadyang pulotgata sa bibig ng isang mundong kaibigan.
Sa tanging sasakyan
nang kami’y lumulan,
may natanaw ako sa tapat ng bahay
na isang matandang babaing luhaan;
subali’t sa gitna ng kaligayahan,
sa harap ng aking gintong kapalaran,
siya ay hindi ko binati man lamang
at hindi ko siya pinansin man lamang,
tuluy-tuloy kami sa nagagayakang simbahan sa bayan.
Kapwa maligayang nagsiluhod kapwa
sa paa ng altar, sa pilak at gintong masamyong dambana:
pagkasaya-saya’t ang mga kampana
ay nagtitimpalak sa pagbabalita
ng aming kasalang lubhang maharlika:
datapwa,
ang larawang buhay ng kaawa-awa
--ang matandang yaon—wari’y nakalimbag sa mata ko’t diwa;
at ang tumutulong luha ng kandila
tila ang kanya ring masaklap na luha;
gayon man, sa piling ng kahanga-hanga
at sakdal ng gandang kaisangpuso ko’y niwalangbahala
ang pagkabalisa, at ang aking budhi’y dagling pinayapa.
Natapos ang kasal…
maligayang bati, birong maaanghang
at saboy ng bigas ang tinanggap namin pagbaba sa altar;
nang mga sandaling pasakay na kami sa aming sasakyan
ay may alingasngas akong napakinggan…
at aking natanaw;
yaon ding matanda ang ligid ng taong hindi magkamayaw;
ako’y itinulak ng hiwagang lakas na di mapigilan
at siya’y patakbong aking nilapitan;
nang kandungin ko na sa aking kandungan,
sa mata’y napahid ang lahat ng luha, dusa’t kalungkutan,
masuyong nangiti’t maamong tinuran:
“Bunso ko, paalam,
ako ang ina mong sawing kapalaran…”
at ang kulampalad ay napalungayngay,
at nang aking hagkan
ay wala nang buhay.
sa nanginginig kong bisig din namatay!
Siya’y niyakap ko nang napakatagal:
Inang! inang! inang!
Ayaw nang balikan
ng tibok ang pusong sa hirap nawindang,
kahi’t dinilig ko ng saganang luha ang kawawang bangkay.

Noon ko natantong ang ina kong mahal,
ang Inangwika kong sa aki’y nagbigay
ng lahat kong muni, pangarap at dangal,
subali’t tinikis sa gitna ng aking ginhawa’t tagumpay
at mandi’y pulubing lumaboy sa labis na karalitaan,
namatay sa kanyang dalamhating taglay
nang ako’y sa ibang mapalad magmahal,
nang ako’y … tuluyang pakasal
sa Wikang Dayuhan!


Kung Tuyo Na Ang Luha Mo, Aking Bayan

Lumuha ka, aking Bayan: buong lungkot mong iluha
ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika;
ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya,
labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan;
katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
lumuha nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
samantalang and dugo mo ay aserong kumukulo;
sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punlo!

Maraming salamat mula sa pinaghugutan ko nang mga tula sinagbayan.multiply.com
Salamat din sa imahe mula sa globalpinoy.com

21 comments:

Anonymous said...

galing talaga ni idol..

Anonymous said...

grabeh galing mo..idolo talaga kita, ilang beses na ginamit ng anak ko sa deklamasyon ang mga gawa mo at maraming beses na din nanalo..saiyo idol! isang walang katumbas na pagpuri!!!

Anonymous said...

KnelZone (Nelson) I presume that is really your name, I've been looking for the tulang: Inang Wika.
Itinula ko iton nuong 1969 sa MSU-Marawi City Talents Night.

Nang mabasa ko ang version mo, parang may ibinago.

Hanap ako ng hanap sa orihinal, talagang di ko makita. Pwede bang ma-link ko ang blog na ito sa aking http://parchedpaperandthequill.blogspot.com with a blog title: My College Memory: Don't Tell My Heart to Stop Loving You?

Very memorable sa akin ang tulang ito. Kung mamarapatin mo rin, pakopya ng tulang ito at i-pipaste ko sa aking Poetry. kahit English ang laman duon o di kaya sa isa ko pang blog: buhay kawayan.

Hindi ako katutubong Tagalog, pero kahit munti at di sari-sari, makapagsalita naman ako ng Inang Wika natin. Nakakaiyak ang tulang ito talaga.

Maraming salamat sa iyo ha?

~beaulah~

PriceForce said...

beautiful..
just beautiful..
galing talaga..
proud to be pinoy!!!

Anonymous said...

astig..galing tlaga.. yan ang pinoy!!woohhhh ! :)

Anonymous said...

naantig ng dadamin isang makata

Anonymous said...

napaka husay niyo po gumawa ng tuLa....

Anonymous said...

anong panahon ang inang wika?

Jere said...

Tnx! Lahat ng tula na ipanarereserch sa akin ay sigurong nandito. :)

Anonymous said...

ok kailangan ko to sa project ko.

Unknown said...

salamat sa mga naantig at napukaw ang damdamin sa mga tulang ito. malaya niyo pong kopyahin ang mga tula at ipabahagi sa mga hindi nakakakilala kay Mang Amado. may mga libro pong mabibili sa nalalapit na SMX convention dito sa Manila, sa mga naghahanap ng mga kalipunan nang aklat ni Amado V. Hernandez. maraming salamat po sa philradiocast.com para sa suporta at tulong sa blog na ito. marami pong salamat! magandang araw o gabi kung nasaan man kayong bahagi nang mundo. mabuhay ang wikang filipino!

Anonymous said...

kailan ang sinasabi mong convension sa smx. Interesado ako dito talaga. Malaking tulong ito sa aking pag-aaral.

salamat,
chummy

Unknown said...

@chummy,
click this link for more details http://www.manilabookfair.com/

Anonymous said...

yehhhhhhhh really so amazing kung wala 2ng page na 2 sana wala me ngayon report.. wait for me group mates nand2 na akooo.... cge out ko muna 2ng comp. ko kc pupunta pa me sa UP hinihintay na ako doon byeee. thank you talaga for this page... :)))) love it super..

Anonymous said...

idol

Anonymous said...

Wala Po Ba Kayong "Bayang Malaya" by Amado V. Hernandez?

Unknown said...

pls pakihanap po "Ang Dalaw" na tula by Amado Vera Hernandez

baby mariana said...
This comment has been removed by the author.
baby mariana said...

Magandang gabi po, nais ko lamang po malaman kung bakit hindi lumalabas sa aking paghahanap ang tungkol sa aklat ni Amado Vera Hernandez na pinamagatang "Kabataa't Katandaan"

Unknown said...

Who is the speaker in the poem?? Ang uod poem

Unknown said...

What is the 3 possible meaning of thus poem