Alam mo ba? kanginang umaga, tila binabagyo ng sandaang unos ang mundo ko. Walang masulyapang saysay ang mga mata ko, walang bago. Walang kulay ang mundo, walang buhay. Wala ni isang bagay ang makapagpapagaling sa mga may sakit, walang mga alamat na magbibigay kahulugan ng buhay. Wala. Ni paru-parong nasa hardin ay tila kay bigat ng dinadala.
Ngunit ng makita ka, kahit hindi kita naka-usap, nagdiwang ang sandaang baryo sa buong kapuluan. Lumiwanag ang sanlibutan. Humuhuni ang mga ibon sa hardin. Sumibol ang sanlibo’t sandaang gumamella. Yumaman sa kayamanan ang lahat ng tao. Nagbuhos ng ngiti ang mga bagyo. Umapaw ang sinaing sa kaldero. Nangitlog ng ginto ang alagang bibe. Sinukuban ang mundo ng mga taong masasaya sa bawat araw na nabubuhay sila.
Ngunit ang higit sa lahat, nabuo mo ang araw ko.