Habang papauwi galing sa isang madugong gabi nang pakikipag kuwentuhan sa mga kaibigan, napag isip-isip ni Fredo kung lahat-lahat nang istudyanteng nag susunog nang kilay nila sa mga pamantasan upang makapasa nang kursong nursing ay hangad na mangibang bansa upang mabigyan nang magandang buhay ang kanilang mga magulang, pamilya, o tunay nga kayang lahat sila ay nangangarap, sapul nung pagkabata, na maging dakilang tagapag-lingkod sa mga taong may-sakit, sugatan at may dinaraing na karamdaman.
Lumiko na ang taxi na kanyang sinasakyan sa Sgt. Rivera avenue patungong Kalookan galing Quezon avenue, maluwag na ang daan, sarado ang tindahan na katabi nang isang gasolinahan na maliwanag pa at ang mga inaantok sa gabi-gabing puyatan na mga gasoline boy na naghihintay ng mga sasakyang uhaw na sa biyahe. Napansin niyang walang bituin sa langit maski ang buwan ay ilap na padungaw-dungaw sa daraanang malapad na aspaltong lubak, ngunit pinapanatiling maiayos dahil kapansin-pansin ang mga karatula nang gobyerno na nagsasabing proyekto nila ito. Teka, kanya tuloy naitanong sa sarili, tatlong buwan na itong ginagawa ah, aabutan na nga nang tag-ulan di pa rin tapos.
"Boss, dagdagan niyo na lang po ako ah. Wala po kasing pasahero sa lugar niyo pabalik." sabi nang drayber ng taxi.
Inilipat nang drayber ang istasyon nang radyo. Kanta ni Freddie Aguilar, Ipaglalaban ko. Nilakasan nang drayber nang konti ang volume. Napansin ni Fredo ang oras, mag aalas-tres na nang madaling araw. Tulala sa aspaltong kalyeng nasisinagan nang headlights, bukas-sarado ang isip niya sa bawat street lamp post na kanilang dinaraanan. Tila may tumawid sa kanyang diwa, bakit ang mga illegal taiwanese immigrants ay pilit nagsusumiksik sa bansang ito upang mag negosyo? Habang tayo nama'y nagkakandakuba sa pagsisi-ayos nang mga papeles, nagkaka-ugat na sa pagpila sa mga embassy, paghahanap nang magandang agency, paghahanap nang gagamiting pera pang placement fee, at paghahanap nang mga visa requirements, at paghahanap nang damit-panlamig na dadalhin, at paghahanap nang mga kailangang hanapin. Wala na yatang katapusan. At anu pag narating na ang bansang tutuluyan at magiging sagot sa kahirapan? Magkakandakuba ulet sa trabaho, magkaka-ugat ulet sa paghahanap nang matitirhan, maghahanap nang mga kababayang makakarama'y sa bansang di kilala, maghahanap nang kababayang makaka-usap, maghahanap ulet nang kapwa pilipinong kuba na't may ugat, ngunit patuloy pa rin sa paghahanap nang kaginhawaang matagal nang pinagta-trabahuhan. Paghahanap sa sarili sa bansang pilit kinikilala. Walang hanggang paghahanap.
At ang mga illegal Taiwanese, Indian, Korean, Chinese, American, European immigrants sa bansa? Magkakandakuba din ba sila? O sila'y uugat sa bansa upang mag tayo nang mga malalaking planta at maghahanap nang mga pilipinong di pa umaalis nang Pilipinas upang kanilang maging co-partner, vice president, manager, department head, supervisor, laborer. Tuloy, naitanong ni fredo sa sarili, anu nga ba ko sa bansang to? dito ako pinanganak, oo, ngunit anu ba ang Pilipino sa bansang Pilipinas? Ah! ang paghahanap sa pagiging Pilipino. Dadaanan na nila ang Monumento circle ni Bonifacio, matayog ang rebulto, may ningning ang mga mata nang mga estatuwa. Nakaramdam si Fredo nang init sa kanyang lalamunan, gumuguhit pababa sa kanyang dibdib, sumusunog sa kanyang puso. Nililingon, at di niya tinitigilan nang tingin ang monumento hanggang sa maglaho na ito sa kanyang tanaw. Marahil, duon lang niya naramdaman ang kanyang buong pagka-Pilipino.
"Boss, saan po tayo liliko?" tanong nang drayber.
Tulala sa aspaltong kalyeng nasisinagan nang headlights, bukas-sarado ang isip niya sa bawat street lamp post na kanilang dinaraanan. Hinahanap ang sarili sa mga saradong tindahan, sa mga taong natutulog sa bangketa, sa lamig nang aircon ng taxi. Nagtatanong sa sarili, mag re-review ba ako para sa board? Baka late na naman yung duty mate ko. Nami-miss ko na si Dra. Santos.
"Boss, saan po tayo liliko?" tanong ulet nang drayber.